Senado, nakipag-coordinate na sa DOJ hinggil sa pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa korapsyon

Handa na ang Senado na irekomenda ang paghahain ng falsification, malversation at anti-graft charges laban sa mga matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na umano’y sangkot sa korapsyon.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, Vice Chairperson ng Senate Committee of the Whole, binubuo na nila ang committee report na target nilang mailabas ngayong linggo.

Nakikipagtulungan sila sa Department of Justice (DOJ) para matiyak na maisasampa ang kaso laban sa mga personalidad na sangkot sa anomalya sa PhilHealth.


Natanggap na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang lahat ng dokumentong kailangan para ipursige ang kanilang imbestigasyon sa PhilHealth.

Maliban sa malversation ng public funds, sinabi ni Lacson na nadiskubre na ang mga PhilHealth official na tinukoy sa mga anomaly sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at overpriced Information Technology (IT) program ay pananagutan sa ilalim ng National Internal Revenue Code at falsification of documents.

Kabilang sa mga inirekomenda nilang sampahan ng kaso ay sina PhilHealth President Ricardo Morales, Fund Management Sector Head Renato Limciaco, Jovita Aragona at Calixto Gabuya na responsable sa IT project.

Pagtitiyak ni Lacson na may sapat na ebidensya kina Aragona at Gabuya.

Tingin din ni Lacson na maaaring ma-qualify para sa kasong plunder ang kaso pero ipinauubaya na niya ito sa task force ng DOJ.

Facebook Comments