Senado, nanawagan sa PAGCOR na paigtingin ang pagtugis at pagpapahinto sa operasyon ng mga iligal na POGO sa bansa

Kinalampag ng mga senador ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na paigtingin ang kanilang trabaho sa pagtugis at pagpapahinto sa operasyon ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Kasunod na rin ito ng raid sa isang POGO building sa Pasay City kung saan na-rescue ang nasa 700 na indibidwal.

Nagtataka si Senate Majority Leader Joel Villanueva kung bakit patuloy na nakakapag-operate sa bansa ang mga POGO na kanselado naman ang mga lisensya.


Ang mga ganito aniyang mga kaso ang rason kung bakit isinusulong nila ang total ban ng POGO sa Pilipinas dahil kitang kita na mas mabigat ang social costs nito kumpara sa sinasabing economic benefits mula sa industriya.

Pinakukunsidera naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pangkalahatang pinsala na dinudulot ng mga kwestiyonableng aktibidad na ito para sa ating komunidad, bansa at mga mamamayan.

Sinabi ni Pimentel na dapat ang mensahe na iparating ng gobyerno sa mga Pilipino at sa buong mundo ay hindi mukhang pera ang Pilipinas at kaya nitong pakawalan ang mga aktibidad na nakapagdudulot lang ng problema sa kapayapaan at kaayusan ng bansa kahit ito ay may ambag sa ekonomiya.

Facebook Comments