Senado, nangakong tataasan ang pondo sa edukasyon at kalusugan

Tiniyak ni Finance Committee Chairman Sonny Angara na patataasan niya ang pondo para sa edukasyon at kalusugan sa final version ng 2024 national budget.

Sa ginawang pagsusuri sa 2024 National Expenditure Program (NEP), magkakaroon aniya ng pagtatapyas sa budget ng ilang departamento, ahensya at tanggapan na maililipat sa mga programang dapat iprayoridad.

Pangunahin na rito ang non-recurring expenses na kinabibilangan ng infrastructure projects na naipatupad na sa mga nakalipas na taon.


Kung babalikan ang 2023 General Appropriations Act, dinagdagan ng Senado ng P1.1 billion ang pondo para sa specialty hospitals na Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care na binigyan ng kabuuang pondo na P7 billion.

Sa edukasyon, inaasahan din ni Angara ang dagdag pondo para sa mga state universities and colleges kasama na ang University of the Philippines dahil wala siyang nakikitang dahilan upang ito ay mabawasan.

Kumpyansa si Angara dahil sa nakalipas na taon ay consistent ang mga kasamahan na suportahan ang dagdag pondo para sa education at health sectors.

Facebook Comments