
Naniniwala si Senate President Tito Sotto III na posibleng may mas mataas pa na grupo kesa sa Bulacan Group of Contractors o BGC Boys na nasa likod ng maanomalyang flood control projects.
Hindi kumbinsido o kapani-paniwala para kay Sotto ang patuloy na pagtanggi ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na may kinalaman ito sa ghost flood control projects.
Naniniwala rin ang senador na lahat ng mga miyembro ng BGC boys ay mayroong pananagutan sa katiwalian sa proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, sinabi ni Sotto na kinausap na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mag-asawang kontraktor na sina Pacifico Discaya at Sarah Discaya para sa hininiling na maipasok sa witness protection program (WPP).
Iginiit ni Sotto na dapat na ibigay muna ng magasawang kontraktor ang lahat ng impormasyon na nalalaman bago aprubahan ng Department of Justice (DOJ) ang hiling na maipasok sila sa WPP.









