Tiwala si Senate President Chiz Escudero na pagkakalooban ni Pangulong Bongbong Marcos ng clemency o pardon si Mary Jane Veloso oras na maisailalim na ito sa kustodiya ng bansa.
Ito ang paniniwala ni Escudero kasunod ng pagpayag ng Indonesia na pauwiin na sa Pilipinas si Veloso.
Ayon kay Escudero, bago mapagkalooban ng clemency si Veloso ay kinakailangan pa ring dumaan ito sa proseso sa parehong legal at diplomatic at may pagpapasintabi sa Indonesian government.
Sa ngayon aniya ay mahalaga na nailigtas mula sa parusang kamatayan ang ating kababayan at nasa proseso na rin ang ganap nitong paglaya.
Oras na makauwi na si Veloso sa Pilipinas ay sinasabing nasa kamay na ng Pangulo ang tuluyan nitong paglaya subalit ito ay dapat pa ring dumaan sa pagsang-ayon ng gobyerno ng Indonesia.