
Nilinaw ng mga senador na bahagi ng regular na budget process ang individual at institutional amendments o insertions sa pambansang pondo.
Kasunod na rin ito ng P100 billion budget insertions ng mga senador noong 19th Congress na nakalkal ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson Sr.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, nakalulungkot na ang mga ghost at palpak na flood control projects ay nakaapekto kaya lumalabas na lahat ng mga amyenda sa national budget ay iligal.
Paglilinaw ni Sotto, ilan sa mga ginawang amyenda sa 2025 budget ay para sa dagdag na mga silid-aralan, farm-to-market roads at mga tulay, kung saan ilan sa mga ito ay pinondohan at naka-tag bilang FLR o for later release.
Sinegundahan naman ito ni Deputy Majority Leader JV Ejercito at iginiit na isa sa mga tungkulin nilang mga senador ay mag-introduce ng amyenda pagkatapos ng mga pagdinig na sa tingin nila ay mas makakapagbigay ng suporta at magpapahusay pa sa mga proyekto at programa.
Dagdag pa ni Ejercito, hindi naman masama o mababahiran ang mga amendments basta’t walang mangyayaring post-enactment intervention gaya na lamang ng nangyari sa flood control projects.










