Niratipikahan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Bicameral conference committee report para sa SIM Registration Act at ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections.
Sa SIM Registration Bill, nagdesisyon ang Kongreso na huwag nang gamitin ang salitang “card” para makasunod ang panukala sa mga magiging variations pa ng mga SIM.
Ayon kay Senator Grace Poe, nagkasundo rin ang Kamara at Senado na ang framework ng Mataas na Kapulungan ang i-adopt kung saan ang mga Public Telecommunications Entity (PTE) ang in-charge sa registration ng SIM.
Hanggang 180 days pa rin ang registration period para sa mga prepaid subscribers habang ang mga postpaid subscribers ay awtomatikong nakarehistro na.
Samantala, niratipikahan din ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Election at inilipat na sa huling Lunes ng October 2023 ang halalan mula sa orihinal na proposal na ikalawang Lunes ng December 2023.
Pagkatapos nito ay gaganapin na kada tatlong taon sa buwan ng Oktubre ang mga susunod na halalan para sa Barangay at SK.
Ito ang napagkasunduan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa bicam upang sakto sa semestral break ng mga mag-aaral at may panahon na makauwi sa mga probinsya para makaboto.
Tatlong senador ang tumutol naman sa final Bicam report para sa postponement ng Barangay at SK Elections na sina Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros at Pia Cayetano.
Dahil ratified na ang dalawang panukala, ito ay isusumite na sa lamesa ng pangulo para malagdaan at tuluyang maging ganap na batas.