
Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na on-track pa rin ang Senado sa pagtalakay at pagpasa ng 2026 national budget sa kabila ng pagbibitiw ni Secretary Amenah Pangandaman sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Gatchalian, kilala naman niya si Usec. Rolando Toledo na tatayong OIC ng DBM at nakatrabaho na rin niya ito sa maraming pagkakataon.
Asahan lamang aniya ang ilang mga adjustments sa mga magiging desisyon ni Toledo dahil nang isumite noon ang National Expenditure Program o 2026 NEP, ang kalihim pa ng ahensya ay si Pangandaman.
Siniguro pa ni Gatchalian na wala ring magiging epekto ang pagbibitiw ni Pangandaman sa timeline ng pagpapatibay ng budget.
Makikipagpulong naman si Gatchalian kay Toledo tungkol sa mga posibleng pagbabago sa national budget dahil karamihan ng inilatag sa pambansang pondo ay desisyon pa ni Pangandaman.









