Nakasisiguro si Senate President Juan Miguel Zubiri na “on track” sila sa pagtalakay sa mga panukalang pasok sa prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Sa Lunes aniya ay 17 panukala ang nakatakda nilang aprubahan sa third and final reading na kinabibilangan ng apat na priority legislation ng LEDAC at ang 12 local bills para sa pag-upgrade ng state universities and colleges (SUCs).
Target na bago matapos ang taon ay napagtibay na sa Senado ang 20 LEDAC priority bills.
Una na aniyang inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang limang panukala na kinabibilangan ng New Philippine Passport Act; ang Internet Transactions Act of 2023; ang Ease of Paying Taxes Act; An Act Recognizing the Octogenarians, Nonagenarians, and Centenarians; at Public Private Partnership Act.
Ilan pa sa mga nakalinya na tuluyang maipasa sa Senado ang Philippine Salt Industry Development Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Amendments to the Magna Carta of Filipino Seafarers, Real Property Valuation and Assessment Reform Act, Waste-to-Energy Bill, Mandatory ROTC and NSTP at ang National Disease Prevention Management Authority/CDC Bill.
Sa kasalukuyan ay dalawa na sa priority measures na kinabibilangan ng Trabaho Para sa Bayan Act at ang LGU Income Classification Act ang naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.