Pabor si Senate President Chiz Escudero sa mungkahi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na patigilin ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na malapit sa mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Escudero, sang-ayon siya sa napuna rin ng kalihim na hindi naman nag-o-operate sa naaayon ang karamihan sa mga POGO.
Katunayan aniya, dapat lang na ipasara ang lahat ng iligal na POGOs ito man ay malapit o hindi sa ating mga military bases.
Sa kabilang banda, kung mga legal na POGOs naman ang tinutukoy din ni Teodoro na dapat paalisin dahil malapit sa mga base militar, dapat aniya itong talakayin muna sa pagitan ng PAGCOR dahil sangkot dito ang usapin ng national security.
Sa naunang pahayag ni Teodoro, iginiit niyang dapat na ipahinto na ang mga syndicated criminal activities na nag-ooperate malapit sa mga military bases dahil pinapahina nito ang ating pananalapi, rating ng bansa at sinisira ang ating mga komunidad.