Pinag-aaralan ng Senado na silipin din ang posibilidad kung mayroon pang ibang mga opisyal ng pamahalaan ang katulad ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na mayroong kwestyunableng legal status sa bansa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, sakaling ma-establish nila sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children na dubious o kahina-hinala talaga ang legal status ni Guo sa bansa gayundin ay kung mapatunayan ang kanyang pagkakasangkot sa mga operasyon ng POGO sa Tarlac, kailangang imbestigahan kung may iba pang local government officials ang may kahalintulad na kaso.
Duda ang senador na bukod sa mga POGO at scam hubs ay posibleng may ipinapasok at inilalagay ang China sa bansa na mga tao para makagawa ng mga modus na pangmatagalan at nakakapinsala ang epekto sa ating national security.
Sa imbestigasyon kahapon ng Senado ay naalarma ang mga senador sa pagkakilanlan at pinagmulan ni Guo na hindi malinaw ang mga impormasyon.
Nagtataka rin ang mga mambabatas dahil bigla na lamang sumulpot at nahalal na isang local government official si Guo at hindi rin klaro ang pinagkunan ng election funds nito kaya pinagsusumite ni Hontiveros ang alkalde ng kanyang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) at Certificate of Candidacy (COC).
Posible namang maharap sa administrative at criminal violations si Guo at ang iba pang lokal na opisyal sakaling mapatunayan na nagkaroon ng mga paglabag.