Senado, pag-aaralan na ang inaprubahang bersyon ng Kamara na Maharlika Investment Fund Bill

Pag-aaralan na ng Senado ang inaprubahang bersyon ng Kamara na Maharlika Investment Fund Bill.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ngayong lusot na ang panukalang sovereign wealth fund sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang magiging trabaho ng Senado ngayong session break ay aralin ito ng husto.

Aniya, paghahandaan ito para sa mga pagdinig at mga debate sa oras na magbalik sesyon sa susunod na taon.


Binigyang-diin ni Villanueva na suportado niya ang ideya na magtatag ng sovereign investment fund ang bansa ngunit kakailanganin muna ng malalim na pagsusuri sa panukala.

Dapat aniyang dumaan ito sa masusing pag-aaral ng Kongreso upang matiyak na mapapangasiwaan ng maayos ang pondo at masisiguro ang transparency at accountability sa pupuntahan ng investment fund.

Mahalaga rin aniyang matukoy at malinawan ang mga investment objectives at strategies para sa pondo upang matiyak na maayos na magagamit ito para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

Facebook Comments