Senado, pag-aaralan na ang Maharlika Investment Fund Bill

Sisimulan na ng Senado ang pagaaral sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, mayroon na silang scheduled meeting para sa pagtalakay sa Maharlika fund kasama ang mga economic managers na idaraos sa January 30.

Sinabi ni Villanueva na sa briefing ay hihimayin nilang mga senador ang isinusulong na sovereign wealth fund at aalamin kung ano ba talaga ang nais ng ehekutibo patungkol sa ipinapanukalang pondo.


Samantala, welcome development rin para kay Villanueva ang binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos na pagaralang mabuti at huwag madaliin ang Maharlika bill.

Ikinatuwa ng senador na nakikinig at bukas sa mga paguusap ang ehekutibo lalo pa’t mula rin sa Senado si Pangulong Marcos at batid ng presidente kung paano magtrabaho ang mga mambabatas.

Tinitiyak ni Villanueva ang matinding pagbusisi ng mga senador sa Maharlika fund partikular sa panggagalingan ng pondo, objectives, pagpasok ng private sector, paglalagay ng safeguards at kung posible na magawa ito kahit hindi na kinakailangan ng batas.

Facebook Comments