Pinapaimbestigahan ni Senator Grace Poe sa Senado ang patuloy na text scams at paggamit ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ng libu-libong SIM sa kabila ng ipinatutupad na Mandatory SIM Registration Law.
Sa Senate Resolution 745 na inihain ni Poe, ipapatawag at pagpapaliwanagin sa pagdinig ang telecommunications company o telcos at ang mga ahensyang nangunguna sa implementasyon ng Mandatory SIM Registration Act.
Partikular na ipapatawag ang National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Trade and Industry (DTI).
Aalamin sa imbestigasyon kung paanong nakapag-ingat ng sangkatutak na SIM ang mga taga-POGO gayundin kung ang mga nakuhang SIM ay nakarehistro at kung nairehistro ay bubusisiin kung gumamit ba rito ng pekeng pangalan o may nagbenta ng kanilang identity.
Tinukoy sa panukala na ang ni-raid kamakailan na POGO hub sa Las Pinas ay may nakumpiskang 80,000 na SIMS, habang sa isang POGO facility sa Pasay ay nasa 28,000 SIMs naman ang nasamsam.
Ang mga nasabat na SIMs ng mga awtoridad sa mga POGO ay nagagamit umano sa pang-i-iscam at cyber fraud.