Senado, paiimbestigahan ang pag-iisyu ng driver’s license ng LTO

Pinapaimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo ang proseso ng Land Transportation Office (LTO) sa pag-iisyu ng driver’s license.

Kaugnay na rin ito sa inihaing Senate Resolution No. 577 ni Tulfo kung saan layong tugunan ang kasalukuyang shortage o kakulangan sa mga plastic card para sa paggawa ng lisensya.

Pinuna ng senador ang tila anti-poor na proseso ng LTO para sa pagiisyu ng driver’s license kung saan kailangang sumailalim ng aplikante sa Theoretical Driving Course at Practical Driving Course sa isang LTO-accredited driving school, at kailangan ding sumailalim sa isang medical exam at kumuha ng medical certificate mula rin sa accredited na clinic ng ahensya.


Sa kasalukuyan, ang isang bagong applicant na kukuha ng driver’s license ay gagastos ng P5,000 para makapag-enroll sa isang LTO-accredited driving school at ang mga bago at ‘for renewal’ na driver’s license naman ay kailangang magbayad ng P500 para sa vision test.

Iginiit ni Tulfo na kailangang tiyakin na ang proseso ng pagkuha ng driver’s license ay dapat na mabilis, makatwiran, abot-kaya at hindi mapapasok ng mga fixer.

Nais din masiyasat ng mambabatas ang isyu sa bidding sa plastic cards para sa pag-imprenta ng mga driver’s license, isyu sa paggawa ng plaka at ang pagpaparehistro sa mga motor.

Facebook Comments