Maghahain si Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar ng resolusyon para paimbestigahan ang panibagong isyu sa National Food Authority (NFA).
Ito ay kaugnay sa kinasangkutan ng ilang opisyal ng NFA na iligal na pagbebenta ng bigas sa ilang traders sa mababang halaga at hindi dumaan sa bidding.
Ayon kay Villar, magkakasa ng imbestigasyon ang kaniyang komite tungkol sa isyu at siya mismo ay may personal na karanasan sa nasabing problema.
Matagal na aniyang isyu ang iligal na pagbebenta ng NFA ng bigas sa mga piling traders sa murang halaga dahilan kaya niya ipinasa ang Rice Tarrification Law (RTL).
Labag aniya sa batas ang ginagawa ng ilang NFA officials dahil ang bigas na subsidized ng gobyerno ay dapat na ibinebenta sa mga tao para makamura lalo na ang mga mahihirap at hindi sa mga traders na kumikita lalo sa nasabing iregularidad.