Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na paiiralin nila sa Mataas na Kapulungan ang “conscience vote” sa panukalang diborsyo sa bansa.
Ang reaksyon ng Senate President ay kasunod ng pag-apruba ng Divorce Bill sa Kamara na noong una ay 126 ang pabor, 109 ang tutol at 20 ang abstain pero kalaunan ay itinama ang bilang sa 131 ang pabor at pareho pa rin ang numero ng tutol at abstain.
Ayon kay Escudero, ang magiging posisyon ng Senado sa Divorce Bill ay conscience at personal vote at ibabatay sa kung ano ang kanya-kanyang paniniwala at relihiyon ng bawat senador.
Wala aniya siyang balak na diinan o diktahan ang mga senador para paburan o tutulan ang panukala.
Pero kung si Escudero ang tatanungin, hindi diborsyo kundi mas gusto niyang palawakin at gawing abot-kaya at accessible ang annulment sa ilalim ng family code.