Panghahawakan ng Senado ang pangako ng Department of Transportation (DOTr) na masosolusyunan ang backlog sa license card pagsapit ng Setyembre.
Simula sa susunod na linggo ay inaasahan ang delivery ng mga lisensya ng paunti-unti hanggang sa maibigay na ang mga nakabinbin na license cards.
Ayon kay Public Services Committee Chairman Senator Grace Poe, pagkatapos nito ay inaasahan nila na maisasaayos na ng ahensya ang sistema kung saan kapag nagsumite ng aplikasyon o kaya ay nag-renew ng lisensya ang mga motorista ay agad na makukuha ang kanilang license cards.
Binigyang diin ni Poe na sa ngayon ay dapat na magsilbi pa ring primary ID ang mga license card at ang naturang ‘paperless card’ na pansamantalang ibinibigay ng DOTr ay hindi dapat makakompromiso sa seguridad at sa privacy.
Dagdag pa ng senadora, ito aniya ay bahagi ng pangako ng DOTr na patuloy na paghuhusayin ang serbisyo sa mga motorista at sa ating transportation system.