Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ilang mga senador sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para matiyak ang kaligtasan ng mga kababayang apektado ng tensyon sa Israel.
Ayon kay Senator Raffy Tulfo, puspusang nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan upang matiyak ang lagay ng mga Pilipino roon at ang repatriation plan.
Nagpaalala naman si Tulfo sa mga kababayan sa Israel na manatiling alerto, tumutok palagi sa mga balita at sumunod sa mga abiso at paalala ng mga awtoridad ng gobyerno ng Israel.
Hinimok naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng pamahalaan na magtulung-tulong para masaklolohan ang mga kababayang naiipit sa giyera at masigurong ligtas na makakauwi ang mga ito sa pamilya.
Pinamamadali rin ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagkilos para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong nasa Israel.