Pinakikilos ng Senado ang Commission on Audit (COA) para ungkatin ang mga detalye sa ginawang pagbili ng gobyerno ng mga bakuna ng COVID-19.
Sa pagtalakay ng panukalang budget ng COA para sa 2023, iginiit ni Senator Chiz Escudero na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam sa kabuuang detalye ng pagbili ng bakuna sa kasagsagan ng pandemya at ikinatwiran ng nakaraang Duterte administration ang non-disclosure agreement o NDA sa mga binilhan ng bakuna.
Batay sa mga ulat, nasa P300 billion ang inilaan ng nakaraang gobyerno para sa pagbili ng bakuna at ang tanging impormasyon na lang tungkol dito ay ang imbentaryo ng Department of Health o DOH sa mga dumating at ginamit na bakuna.
Binigyang diin ni Escudero na ngayon lamang niya narinig ang dahilan na NDA para hindi sabihin ang detalye ng biniling produkto ng gobyerno.
Paliwanag naman ni Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, na siyang dumipensa sa pondo ng COA sa Senado, lehitimo namang maituturing noon ang pagkakaroon ng NDA lalo’t nag-uunahan ang maraming bansa sa limitadong suplay ng COVID-19 vaccines.
Magkagayunman, kinatigan ni Angara ang obserbasyon ni Escudero at sinabing maaaring gamitin ng COA ang kanilang subpoena powers para ungkatin ang detalye sa pagbili noon ng bakuna.