Senado, pinabibilisan sa OCD at NDRRMC ang paglalabas ng calamity fund para sa agad na pagbibigay tulong sa mga apektado ng oil spill sa Mindoro

Inatasan ni Senator Chiz Escudero ang Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na simplehan ang proseso para sa paglalabas ng calamity funds sa mga Local Government Unit (LGU) na nangangailangan ng agarang tulong matapos ang natural at man-made disasters.

Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa trahedya ng paglubog ng barkong MT Princess Empress kung saan ang tumagas na langis mula rito ay nakaapekto na sa maraming bayan at kabuhayan ng libu-libong residente ng lalawigan.

Iginiit ni Escudero na gawing mabilis ang paglalabas ng tulong pinansyal sa mga apektadong LGU upang matulungan ang mga ito mula sa pinsala na idinulot ng insidente.


Sinabi ni Escudero na dapat na na makahanap agad ng paraan ang OCD-NDRRMC para mapabilis ang proseso sa pagbibigay ng tulong.

Binigyang diin ng senador na ang laki-laki ng pondo ng ahensya para sa calamity fund pero hindi naman ito agad na nakakarating sa mga biktima ng sakuna o kalamidad bunsod ng hirap maka-comply ang LGUs sa requirements na hinihingi sa kanila bago mabigyan ng tulong.

Hiningi ni Escudero ang timeline sa NDRRMC kung kailan mapapabilis ang proseso at hindi na dapat makaapekto ang red tape sa gobyerno para mabigyan ng agarang tulong ang mga biktima ng kalamidad at sakuna.

Facebook Comments