Senado, pinag-aaralan na bawasan lang ng overcosting ang road projects

Pinag-aaralan ngayon ng Senate Committee on Finance na bawasan lamang ng 15 hanggang 20 porsiyento ang budget para sa mga road projects, sa halip na tuluyang tapyasan ang lahat ng proyektong pinapagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ay matapos makita ng komite mula sa pagsusuri na may ilang proyekto na makatwiran ang presyo ng materyales at hindi dapat madamay.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, kung gagawin nilang “across the board” ang tapyasan sa lahat ng infrastructure projects, madadamay din ang mga proyektong may matibay na basehan at justified ang halaga.

Isang opsyon na nakikita ng senador ay bawasan ang mga road projects lamang dahil ito ang mga proyektong nakitaan ng maraming overcosting.

Samantala, nilinaw ni Gatchalian na ang posibleng ₱348 bilyong pagtapyas sa budget ng DPWH ay nakadepende pa sa isusumiteng dokumento at sa magiging paliwanag ng ahensya sa darating na Lunes.

Facebook Comments