Senado, pinag-aaralang i-adjust ang schedule ng pagtalakay sa pambansang pondo

Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na i-adjust ang schedule ng pagsisimula ng pagtalakay ng 2027 national budget.

Aminado si Gatchalian na dahil sa ilang mga ipinatupad na pagbabago sa budget process ay nagahol sila sa oras para aprubahan at ratipikahan naman ang 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Paliwanag ni Gatchalian, sa bagong transparency initiatives na pinatupad sa budget process ay hindi na uubra ang lumang nakagawian na schedule ng pagtalakay ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Plano ng Senado na kausapin ang Department of Budget and Management para hilingin na dapat ang isusumite na budget sa dalawang kapulungan ng Kongreso ay kumpleto na sa detalye at kung posible ay sabay na sa Kamara ang pagtalakay pagkatapos ng SONA.

Sinabi ng senador na kadalasan ay sa ikalawang linggo ng Disyembre ay nararatipikahan na ang budget bill kaya napipirmahan ang pambansang pondo bago matapos ang taon.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung susundin pa rin ang lumang schedule ay may banta talaga na magkaroon ang bansa ng reenacted budget.

Facebook Comments