Posibleng magpatawag ang Senado ng pagdinig pagkatapos ng Mahal na Araw para imbestigahan ang administrative order ng Philippine Ports Authority (PPA) na inirereklamo ng mga major shipping at logistic group dahil sa idudulot nitong pagtataas sa shipping at logistics costs.
Unang nanawagan ang mga major shipping at logistic group na mag-imbestiga salig sa resolusyong inihain ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa inilabas na bagong administrative orders ng PPA.
Tinukoy sa resolusyon na hindi kailangan at hindi makatwiran ang kautusan dahil sa negatibong epekto nito sa buong shipping industry at ang publiko rin ang inaasahang papasan sa dagdag na singil sa shipping at logistic costs.
Ayon kay Senator Grace Poe, magpapatawag siya ng pagdinig sakaling hindi sapat ang paliwanag na ibibigay sa kanila ng PPA at kapag nananatiling hindi natutugunan ang reklamo ng shipping at logistic groups.
Sinabi pa ni Poe na kamakailan lang ay naipabot sa kanila ang usaping ito at sa ngayon ay hinihintay pa nila ang feedback o tugon ng PPA sa ipinadala nilang liham na humihingi ng paglilinaw sa isyu.
Dapat din aniyang tandaan palagi ng pamahalaan na ang bago nitong patakaran ay dapat naayon sa ‘ease of doing business’ kung hindi wala itong puwang para ipatupad.