Pinag-iingat ng ilang senador ang paggamit sa pondo ng ilang government financial institutions tulad ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) para sa bubuuhing Maharlika Investment Fund Bill.
Nagpahayag ng pagaalinlangan si Senator JV Ejercito kaugnay sa isinusulong na Maharlika fund kung saan ang ₱200 billion sa paunang pondo rito ay magmumula sa pension funds ng GSIS at SSS.
Aniya, bagama’t maganda ang intensyon ng panukala na mapalago ang sobrang kita ng gobyerno, mahalaga namang maging maingat at pagaralan muna ang magiging epekto nito sakaling maging batas.
Sa palagay pa ng senador, maraming agam-agam sa panukala bunsod na rin ng mga naging karanasan noon sa Armed Forces and Police Savings and Loan Association Inc. o AFPSLAI at AFP-Retirement and Separation Benefits System (RSBS) kung saan napunta sa mga bad investments ang pera ng mga retirado.
Kinukwestyon naman ni Senator Jinggoy Estrada ang pagmamadali na maaprubahan ang panukala.
Pinaghihinay-hinay din ng senador ang mga kapwa mambabatas sa Kamara na nagsusulong ng Maharlika wealth fund na hindi ito matutulad sa state-owned investment fund ng Malaysia na 1MDB kung saan ang pondo ay napunta lang personal bank account ng dating Prime Minister Najib Razak.
Sa panig naman ni Senator Chiz Escudero, sinabi nito na dapat maging malinaw ano ang magiging return ng investment para sa mga government financial institutions o kung gaano kadalas ang dividends at kung ano ang bahagi ng kita sa investment ang ilalaan sa government projects at kung anu-ano ang mga proyektong pagkakagastusan.