Pinababalangkas na rin ni Senator Chiz Escudero ang Senado ng rules para sa pagsusulong ng charter change na pareho sa rules ng Kamara.
Ayon kay Escudero, ang Kamara ay mayroong guidelines o rules para sa pag-adopt o pagbasura ng proposals para sa pag-amyenda ng Konstitusyon subalit ang Senado ay walang ganitong katapat o kaparehong rules.
Ang rules ng Mababang Kapulungan sa pag-adopt ng Charter Change (Cha-Cha) proposals ay nakapaloob sa kanilang Sections 143 at 144 ng Rule 21.
Giit ng senador, kung susundin ang kanya-kanyang posisyon sa pag-amyenda ng saligang batas ay tiyak na nagsasayang lamang sila ng oras dito.
Mahalaga aniyang maisaayos na muna ang rules bago ipagpatuloy ang mga pagdinig sa pag-amyenda sa economic provisions hindi kung kelan nasa dulo na ay saka pa lamang magtatalo, magde-debate at mag-aaway-away tungkol sa mga alituntunin na dapat nilang sundin.
Umaapela ang mambabatas sa Committee on Rules na pag-aralan ang isyung ito at agad na magdesisyon para magkaroon ng rules na kapareho sa counterpart sa Kamara.