Ipinakukunsidera ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa Land Transportation Office (LTO) ang mga dagdag na kakailanganing plaka dahil sa inaasahang pagtaas ng bentahan ng sasakyan at motorsiklo ngayong papalapit na kapaskuhan.
Ito ang naging payo ng senador sa ahensiya sa gitna na rin ng 9 na milyong license plates na backlog ng ahensiya.
Ayon kay Tolentino, hindi malabong tumaas pa ang backlog ng ahensiya sa mga license plates lalo’t marami sa mga Overseas Filipinos Workers (OFWs) ang nagre-remit o nagpapadala ngayong holiday at kadalasan pang may mga pang-downpayment ang mga ito sa pagbili ng motorsiklo.
Tinukoy ng senador na mas mabilis ang turnover ng bentahan ngayon ng motorsiklo kaya dapat nakahanda rin ang LTO sa malaking pangangailangan ng mga bagong plaka.
Sinabi naman ni LTO Chief Vigor Mendoza na ikukunsidera nila ang suhestyon ng senador pero mangangailangan aniya sila ng 9 na buwan para maisara ang backlog dahil hanggang isang milyong plaka lang ang kayang i-produce ng kanilang planta kada buwan.