Gusto ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na sa lalong madaling panahon ay maimbestigahan na ng kanyang komite ang “gentleman’s agreement” sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng gobyerno ng China tungkol sa West Philippine Sea.
Ayon kay Marcos, kasalukuyan niyang binubuo ang agenda para sa pagdinig gayundin ang listahan ng mga iimbitahang resource persons.
Iyon lamang, hindi makapagdaos agad ng pagdinig ang komite ni Marcos dahil wala pang bakanteng kwarto at puno pa ang slot at schedule ng mga pagdinig.
Sinabi ng senadora na ayaw niyang natatambakan kaya tuluy-tuloy ang pagsasagawa niya ng pagdinig at titingnan niya sa mga susunod na araw kung kailan sila mapagbibigyan.
Paglilinaw naman ni Marcos, wala siyang balak na usigin si dating Pangulong Duterte na kilalang kaibigan ng senadora at hindi magiging pulitika ang pagsasagawa niya ng imbestigasyon sa gentleman’s agreement.