Inatasan ng Korte Suprema ang liderato ng Senado at ang Senate Blue Ribbon Committee na magkomento sa petisyon na inihain ni Pharmally Pharmaceutical Corp. Executive Linconn Ong kaugnay ng pagpapaaresto at pagkulong sa kanya.
Respondents sa petisyon sina Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon, Senate President Vicente Sotto III at Senate Sergeant-at- Arms Chief Rene Samonte.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka, batay kay Chief Justice Alexander Gesmundo inobliga ang mga respondents na magkomento sa main petition at hirit na TRO ni Ong.
Una nang kinuwestiyon ni Ong sa Korte Suprema ang pagpataw ng Senado sa kanya ng contempt na nagresulta sa pag-aresto at pagkulong sa kanya.
Hiniling din ni Ong na ipahinto at ipawalang-bisa ang nasabing kautusan ng Senado.
Iginiit ng panig ni Ong na labag sa Saligang Batas at nakagawa ng grave abuse of discretion ang Senado nang i-contempt siya.