Senado, pinaglalatag ang ECOP ng mga hakbang para mapigilan ang mga kababayang mangibang bansa

Pinaglalatag ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP ng solusyon para mapigilan ang mga kababayang mangibang bansa para makapagtrabaho.

Ang hamon ng senador ay kasunod na rin ng reaksyon ng mga kompanya sa panukala ni Zubiri na dagdag na P150 na arawang sahod sa mga manggagawa.

Batay sa ECOP, kung ipipilit ang panukalang wage increase, 10% lamang ng mga kompanya ang may kakayahang ibigay ito habang maraming maliliit na negosyo ang magsasara.


Iginiit ni Zubiri na hindi na maituturing na living wage ang kasalukuyang minimum wage kaya’t marami sa mga Pinoy ang nag-a-abroad upang magkaroon ng mas malaking kita.

Ipinaalala ng Senate leader na upang maging maganda ang takbo ng pagnenegosyo at ng ekonomiya sa kabuuan kailangang magkaroon ng produktibong workforce na magagawa lamang kung tumatanggap ng maayos na kompensasyon o sahod ang mga manggagawa.

Iginiit pa ni Zubiri na ang mga panukalang ganito ang dapat unahing talakayin ng mga mambabatas para maiangat ang ekonomiya ng bansa lalo na’t kagagaling lamang ng buong mundo sa pandemya.

Facebook Comments