Senado, pinagsusumite ang gobyerno ng contingency plan para matiyak ang sapat na suplay ng bigas

Pinagsusumite ni Senator Sherwin Gatchalian ang National Economic Development Authority (NEDA) ng komprehensibong contingency plan para matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Sa gitna na rin ito ng export ban ng ilang mga bansang pinagkukunan ng suplay ng bigas ng bansa tulad ng India at sa nagbabadyang pagtaas ng presyo ng bigas dahil dito.

Sa budget briefing sa Senado, hiningi ni Gatchalian sa NEDA kung ano ang nakalatag na contingency plan ng gobyerno para matiyak ang food security sa bansa partikular ang bigas.


Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang paghihigpit ng ilang mga bansa sa pagluluwas ng bigas ay bunsod na rin ng inaasahang epekto ng matinding El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2024 dagdag pa ang rason ng pagnipis ng suplay ng bigas sa world market.

Aniya, tinalakay nila ang isyung ito at kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture (DA) sa potential exporters na maaaring pagkunan ng suplay ng bigas ng bansa.

Bukod dito, gumagawa na rin aniya sila ng paraan domestically para palakasin ang suporta sa rice producers upang agad na makabangon mula sa epekto ng baha at bagyo para kapag nag-peak na ang El Niño ay nakapag-ani na ang mga magsasaka.

Magkagayunman, nais pa rin ni Gatchalian na makita kung ano ang kongkretong plano ng pamahalaan gayundin ang pondong kakailanganin para ma-execute ng maayos ang mga plano.

Dagdag pa ng senador, dapat na nakapaloob din sa contingency plan ang mga plano para maibsan ang epekto ng mga bagyo at El Niño na kabilang din sa mga factor na nakakaapekto sa suplay ng bigas sa bansa.

Facebook Comments