Senado, pinagsusumite ng report ang DOTR at LTFRB hinggil sa update sa PUV Modernization Program

Pinagsusumite ni Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng report patungkol sa PUV Modernization Program.

Kaugnay na rin ito sa nakatakdang phaseout ng traditional jeepneys sa June 30 para bigyang daan ang PUV modernization.

Umapela si Poe sa DOTR at LTFRB na magsumite ng report ng update sa programa para malaman kung ano na ang narating nito at kung ano pa ang dapat na gawin sa PUV modernization.


Hiling ni Poe sa dalawang ahensya na maging makatotohanan sa target ng programa at dapat alamin kung ano lang ang kayang abutin o makamit sa takdang panahon.

Pinaglalatag din ng mambabatas ang DOTr ng mga posibleng solusyon tungkol na rin sa mga hinaing ng mga operators at drivers hinggil sa modernization program.

Sinabi pa ni Poe na dapat makipagpulong si Transportation Sec. Jaime Bautista sa sektor ng transportasyon para marinig ang kanilang mga hinaing at mahanapan sila ng solusyon upang hindi na matuloy ang nakaambang na welga.

Bukas ay nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Committee on Public Services kaugnay sa inihaing resolusyon na nagpapasuspindi sa traditional jeepney phaseout sa June 30.

Facebook Comments