Senado, pinaiimbestigahan sa DENR ang patuloy na reclamation activities sa Manila Bay

Iminungkahi ng Senado sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na paimbestigahan ang patuloy na reclamation activities sa Manila Bay.

Sa ginanap na plenary deliberation para sa 2024 budget ng DENR, inungkat ni Senator Jinggoy Estrada ang pagsuspinde ni Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng 21 reclamation projects sa Manila Bay.

Nagtataka ang senador dahil marami pa rin aniyang nakakakita na may nagrereclaim pa sa Manila Bay sa kabila ng suspension sa mga proyekto rito.


Katunayan aniya, nakuhaan ng kapwa nila senador ang dredging activities sa Manila Bay at ito ay inayunan naman ni Senator Cynthia Villar na siyang sponsor at nagdepensa ng budget ng DENR sa plenaryo.

Katwiran dito ng DENR, hindi naman dredging ang ginagawa sa Manila Bay kundi maintenance activity lamang.

Sinabihan ng senador si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na magdouble check dahil marami ang nagrereklamo at maski dito sa gusali ng Senado ay kitang kita na may ginagawang aktibidad sa Manila Bay.

Nangako naman ang kalihim sa mga senador na sisilipin ang mga napaulat na activities sa Manila Bay.

Facebook Comments