Pinayuhan ni Senator JV Ejercito ang Local Government Units (LGUs) na maglatag ng mga hakbang o remedyo para maiwasan ang kakapusan sa suplay ng tubig sa gitna na rin ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Ejercito, ang mga lokal na pamahalaan ang nasa frontline sa pagtulong sa kanilang mga constituents kaya dapat ay maturuan at maisulong ng mga LGUs sa mga mamamayan ang mga pamamaraan ng conservation o pagtitipid ng tubig.
Nababahala aniya siya sa epekto ng El Niño dahil sa matinding init ng panahon at sa kabila ng mga pag-ulan na nararanasan ay nananatiling mababa pa rin ang antas ng tubig sa Angat dam.
Kaya naman dapat ngayon pa lang ay may mga nakalatag na hakbang ang mga LGU para sa water conservation lalo’t sa tantya pa ng PAGASA ay posibleng umabot hanggang unang quarter ng taong 2024 ang El Niño.
Iminungkahi ni Ejercito sa mga LGU ang pagkakaroon ng teknolohiya at imprastraktura tulad sa Singapore at Seoul, South Korea kung saan dito iniipon ang tubig ulan at pwede nang magamit sa mga kabahayan.
Hiniling naman ng mambabatas sa gobyerno ang pagtatatag ng Department of Water na siyang mangunguna at mangangasiwa sa mga ganitong hamon lalo’t ang tubig ay pangunahing pangangailangan ng mga tao at mahalagang palaging may solusyon para rito dala na rin ng epekto ng global warming at climate change.