Dismayado si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa “long overdue” ng computer-based licensure examinations (CBLE) project ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni PRC Commissioner Dr. Jose Cueto Jr., na walang alokasyon para makapagsagawa ang PRC ng CBLE sa mga regional offices sa susunod na taon.
Giit ni Villanueva, dalawang dekada na ang lumipas mula nang isabatas ang PRC Modernization Act of 2000 o Republic Act No. 8981 na nag-aatas sa PRC para magpatupad ng “full computerization” sa lahat ng licensure examinations sa iba’t ibang professional regulatory boards.
Nanghihinayang si Villanueva dahil ang computer-based licensure examination sana ang solusyon para maituloy ang mga exam matapos makailang beses na nakansela dahil sa pandemya at malaking tulong sana para sa mga lugar na wala o kakaunti lang ang testing centers.
Kasabay nito ay hinihingi ng senador ang modernization plan ng PRC para sa paglilipat sa digitalized system ng pagdaraos nito ng licensure exam.
Sa datos ng PRC, isang CBLE lang ang naisagawa noong 2021 habang pito lang ngayong 2022.