Senado, pinakikilos ang Water Resources Management Office sa problema sa tubig ngayong tag-init

Kinalampag ni Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe ang Water Resources Management Office na solusyunan na agad ang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig na nararanasan ngayon sa maraming kabahayan, negosyo at lalo sa sektor ng agrikultura.

Giit ni Poe, ang krisis sa tubig na taun-taon na lamang kinakaharap ng mga Pilipino ay maiiwasan sana kung naipapatupad lamang ang mga tamang polisiya.

Sinabi pa ng mambabatas na ang mararanasang El Niño ay isang “predictable phenomenon” kaya dapat ang mga water authorities at ang mga concessionaires ay nakahanda sa contingency measures.


Sa halip aniya na maiwasan ang water shortage dulot ng El Niño ay paulit-ulit na lamang nating nararanasan tuwing tag-init ang kawalan ng tubig sa gripo, bitak-bitak at tuyong lupa, mababang lebel ng tubig sa mga dam at mahabang pila ng mga balde at mga iniigibang tubig.

Napuna pa ng senadora na sa kabila ng maraming ahensya na may kaugnayan sa pangangasiwa ng tubig, mayroon namang tagtuyot sa mga ito pagdating sa pagkakaroon ng iisang adhikain na maitakda ang malinaw na direksyon at mga hakbang tungo sa pagtataguyod ng seguridad at sapat na tubig para sa mga Pilipino.

Dagdag pa ni Poe, mananatili ang Senado sa pagsusulong ng panukalang paglikha ng Department of Water Resources bilang permanenteng ahensya na mangunguna para wakasan ang malalang problema sa tubig ng mga kababayan.

Facebook Comments