Senado, pinakokontrol sa PCG ang pagkalat ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro

Pinaaaksyunan ni Senator Francis Tolentino sa Philippine Coast Guard (PCG) kung papaano maco-contain o mapipigilan ang pagkalat ng polusyon mula sa oil spill ng lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro.

Tinukoy ni Tolentino na ang PCG ang ahensya na responsable sa pagkontrol ng polusyon sa territorial waters ng bansa.

Katunayan, bumuo pa noon ang PCG ng National Oil Spill Contingency Plan o NOSCP subalit dahil sa kakulangan ng resources ay naging limitado ang agad na pagpigil sa pagkalat ng oil spill sa mga karagatan.


Pero habang inaalam pa kung sino ang may pananagutan sa lumubog na barko ay mas mabuting pagtuunan muna at gawin ang lahat ng paraan papaano makokontrol ang polusyon at mapigilan ang tuluyang pagkasira ng ecosystem ng karagatan at mga lalawigang maaapektuhan ng oil spill.

Kinukwestyon din ni Tolentino kung papaano nakalusot sa Maritime Industry Authority (MARINA) at sa PCG ang seaworthiness ng barko gayong may naunang abiso ang PAGASA na ngayong panahon ng amihan season dapat mas mataas ang standard ng seaworthiness para sa mga fishing boats, maliliit na sea vessels at mga barko.

Batay pa sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, engine trouble ang naging sanhi ng paglubog ng oil tanker na nakaapekto na sa mga karagatan at siyam na bayan sa Oriental Mindoro at nakaabot na rin hanggang sa Antique.

Facebook Comments