Pinatitiyak ng mga senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magkakatrabaho at hindi madi-discriminate ang mga empleyadong mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa.
Aabot sa mahigit 27,000 na mga Pilipino ang mawawalan ng trabaho bunsod ng POGO ban.
Sa budget deliberation para sa DOLE ay nabatid ni Senator Sherwin Gatchalian na nilangaw ang job fair ng ahensya para sa mga POGO worker kung saan sa 13,000 libong alok na trabaho, 340 lang ang dumating na Pinoy POGO workers at 33 lamang sa kanila ang hired on the spot.
Sinegundahan ni Senator Francis Tolentino ang naging obserbasyon na nagsabing posibleng ma-discriminate ng mga employer kapag nakita sa resume na galing sa POGO ang applicant.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOLE na tutulungan ang mga POGO workers sa pamamagitan ng employment facilitation, job matching, TUPAD, at TESDA training at marami pang job fair.