Senado, pinatutukoy sa NBI ang doktor na umano’y tumanggi na lapatan ng lunas ang naghihingalo noon na si John Matthew Salilig

Pinakikilos ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairperson Senator Francis Tolentino ang National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin kung sino ang doktor na tumangging lapatan ng lunas o bigyan ng medical assistance ang naghihingalo noon na si John Matthew Salilig.

Sa pagdinig ng Senado, binusisi ni Tolentino ang ibinigay na pahayag ng isa sa mga myembro ng Tau Gamma Phi fraternity na si Ralph Benjamin Tan na alyas “Scottie” na kasama sa mga sumuko sa mga awtoridad.

Batay umano sa salaysay ni Tan, sinundo ng pinsang doktor ang isa pang frat member na si alyas “Lee” at mismong si Tan ang nagsabi kay Lee na tingnan ng pinsan niyang doktor ang nag-aagaw buhay na si Salilig pero tumanggi ang nasabing doktor na bigyan ng atensyong medikal si Salilig.


Dismayadong sinabi ni Tolentino na kung nabigyan agad ng medical assistance ng doktor na iyon si Salilig ay posibleng buhay pa ang estudyante.

Paglabag aniya ito sa oath ng isang doktor na magligtas ng buhay bilang isang medical practitioner at pwedeng makasuhan.

Ayon naman sa NBI, kasalukuyan na nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng doktor at nangakong agad na ibibigay sa komite ang impormasyon tungkol sa nasabing medical practitioner.

Facebook Comments