Sa plenary session ng Senado ay naghain ng motion si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na pumupuri sa Office of the Senate Sergeant at Arms na pinamumunuan ni Retired General Rene Samonte.
Ang hakbang ni Gordon ay dahil sa kanilang matagumpay na pag-aresto sa magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani na parehong opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations.
Sinegundahan naman ito nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senator Sonny Angara, Imee Marcos at Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Nagpasalamat din si Gordon sa committee secretariat na pinangungunahan ni Atty. Rodolfo Quimbo.
Pinasalamatan din ni Gordon si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nag-asikaso sa private plane na ginamit ng OSAA sa pagbyahe sa magkapatid na Dargani mula Davao patungong Metro Manila.
Sina Mohit at Twinkle ay ihaharap sa susunod na pagdinig ng Senado sa November 26.
Sinabi naman nina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Senator Risa Hontiveros na good job ang OSAA sa mabilis na aksyon laban sa mga nagtapon ng pera ng COVID funds para ipambili ng Lamborghini at Ferrari.
Thumbs up din si Pangilinan sa liderato ni Sotto para sa pagtataguyod sa Senado bilang isang independent at co-equal branch.
Umaasa naman si Hontiveros na mas lalong uusad at mas marami pang maibubunyag sa imbestigasyon sa Senado tungkol dito sa mga anomalya ng Pharmally.