Senado, planong paimbestigahan ang talamak pa rin na text scams sa kabila ng batas na SIM Registration Act

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kailangang magsagawa ng pagdinig patungkol sa talamak pa rin na text scams o spams kahit pa mayroon nang batas na SIM Registration Act.

Ito’y matapos na iugnay sa mga POGO ang mga aktibidad ukol sa laganap na panloloko sa mga text messages.

Sa tingin ni Pimentel, may bagong teknolohiya na gamit para madaya ang batas na kahit mayroong SIM Card Registration Law ay hindi natatakot ang isang kawatan dahil sa teknolohiyang gamit na hindi sila mate-trace o matutukoy.


Binigyang-diin ng senador na kailangang marepaso ang batas upang malaman kung saan ba nagkaroon ng butas, may kakulangan ba o mga salita na hindi malinaw sa batas at kung may bagong teknolohiya na hindi naisama sa batas.

Sa ikakasang pagdinig ay kakamustahin ang mga telecommunications companies sa sistema at mekanismo na inilatag sa kanilang mga SIM registration upang matugunan ang kasalukuyang problema ngayon na paglaganap muli ng mga text scams.

Facebook Comments