Pormal nang nahalal bilang bagong Senate President ng 19th Congress si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ang nominasyon kay Zubiri bilang pangulo ay pinangunahan ni Sen. Joel Villanueva na pinaboran nina Senators Loren Legarda, Grace Poe, JV Ejercito, Jinggoy Estrada at Ronald “Bato” Dela Rosa.
Hindi naman bumoto sa pagka-pangulo ng senado ang magkapatid na sina Senators Alan Peter at Pia Cayetano.
Ayon sa magkapatid, sila raw ay magiging bahagi ng independent bloc, pero nangako sila ng kooperasyon sa liderato ni Zubiri.
Kabilang din sa mga hindi bumoto sina Senators Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Uupo naman bilang Senate President Pro-Tempore si Sen. Loren Legarda kung saan ang nominasyon sa kaniya ay isinulong nina Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe at Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nahalal naman si Sen. Joel Villanueva bilang Senate Majority Leader, habang si Sen. Koko Pimentel ay magsisilbi bilang Senate Minority Floor Leader.
Inihayag naman ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang pag-iwas sa pagboto sa majority leader, pero wala itong sinabing dahilan.
Sa speech ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, sinabi nito na taos-puso ang kaniyang pasasalamat sa mga kasamahan nito sa senado at nangakong susuklian nito ng kasipagan sa pagtatrabaho.
Titiyakin ni Zubiri ang senate independence at pagpupursige na makatulong sa pagtugon sa malalaking problemang kinakaharap ngayon ng bansa.
Aniya, kung si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay parang ama ng mga senador, siya naman ang magiging kapatid nito.