Senado, posibleng irekomenda sa committee report ang pagpapanagot sa mga dating opisyal ng CAAP

Posibleng irekomenda ng Senate Committee on Public Services sa kanilang committee report ang pagpaparusa sa mga nagdaang management ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Kaugnay ito sa ginawang imbestigasyon ng komite sa naging aberya sa air traffic system ng CAAP na nagparalisa sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nakaapekto sa libu-libong pasahero noong Bagong Taon.

Ayon kay Public Services Chairman Senator Grace Poe, posibleng ilagay nila sa report ang rekomendasyon na mapanagot ang mga nakaraang nangangasiwa sa CAAP dahil ang kawalan ng maayos na maintenance para sa uninterrupted power supply (UPS) system ay matagal nang problema at pinagdaanan na ng ilang administrasyon.


Para kay Poe, marami at iba’t iba ang namuno sa CAAP sa ilalim ng iba’t ibang gobyerno na dapat mapanagot.

Tinukoy ni Poe na 2009 pa nagsimula ang problema sa air traffic management system at 2013 nang payagan ang maintenance subalit ibang service provider naman ang gustong kunin kaya hindi natuloy ang pagsasaayos.

Naniniwala si Poe na malinaw na paglabag sa bahagi ng CAAP ang pagpayag na i-operate ang UPS kahit walang maayos na maintenance sa paglipas ng panahon.

Bukod dito, hindi lang dapat isang indibidwal ang mapanagot kundi ang mga bumubuo ng CAAP sa mga dating administrasyon dahil ang naging aberya sa NAIA noong Enero 1 ay resulta lamang ng mga kapabayaan ng mga nagdaang CAAP management.

Facebook Comments