Senado, posibleng silipin ang insidente na paglubog ng motorbanca sa Laguna Lake

Pinag-aaralan ng Senado ang pagsasagawa ng imbestigasyon patungkol sa pagtaob ng motorbanca sa Laguna Lake na ikinasawi ng mahigit 20 katao.

Posibleng silipin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang ginawang pagpayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang Princess Aya ilang oras pagkatapos lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Egay.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, masyadong maaaga ang ginawang pag-lift ng PCG sa ‘no sailing order’.


Sinabi ng senador na kahit nakalabas ng bansa ang bagyo ay ramdam pa rin ang bugso ng malakas na hangin at tuluy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Giit ni Pimentel, mahalagang masiyasat ito ng Senado dahil ang bulto ng mga nasawi sa Bagyong Egay ay dahil sa nangyaring insidente na pagtaob ng bangka.

Magkagayunman, hiniling din ng senador na ipagdasal din ang mga tauhan ng PCG na nagbuwis ng buhay at sa ipinamalas na katapangan para matulungan ang ating mga kababayang ma-i-rescue sa gitna ng kalamidad.

Facebook Comments