Kinatigan ni Senate President Francis Escudero ang desisyon ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros na ihinto na ang imbestigasyon tungkol sa mga reklamo laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Pinayuhan ni Escudero, ang mga nag-aakusa laban kay Quiboloy na maghain na rin ng kanilang mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) ngayong may mga nakabinbin itong kaso sa korte.
Sa ganitong paraan aniya ay mako-consolidate o mapapagsama-sama na ang mga kaso laban sa religious leader.
Matapos nga ang unang pagharap ni Quiboloy sa pagdinig ng Committee on Women nagpasya si Hontiveros na i-terminate o tapusin na ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Hontiveros na uumpisahan na nila ang paggawa ng committee report kung saan nakapaloob ang kanilang findings at mga irerekomendang panukalang batas para huwag ng maulit ang mga pang-aabuso at pagsasamantala sa mga kababaihan ng isang religious leader.