Target ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na mapagtibay ang Maharlika Investment Fund (MIF) bago ang pagtatapos ng first regular session ng 19th Congress.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, mas magandang bersyon ng sovereign wealth fund ang binuo ng Senado.
Kumpiyansa si Zubiri na makakukuha ng mayorya ng suporta ng mga mambabatas at maipapasa ang MIF bill bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo.
Aniya, may mga idinagdag sila na probisyon na wala o hindi makikita sa bersyon ng Kamara.
Ito ay para magkaroon ng karagdagang safeguards at matiyak ang mahusay na paggamit ng pondong ilalaan dito.
Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo, ipaprayoridad ng Senado ang deliberasyon o debate ukol sa panukalang Maharlika Fund kung saan si Senate Committee on Banks Chairman Senator Mark Villar ang magdidepensa nito sa plenaryo.