Target na tapusin sa susunod na linggo ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang imbestigasyon patungkol sa mga iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at ang kaugnayan dito ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, sa susunod na Martes, Setyembre 24, ang ika-14 na pagdinig ng kanyang komite at posibleng ito na rin ang huling araw ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga POGO.
Isa aniya sa tumagal na imbestigasyon ang isyu ukol sa mga iligal na POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Malamang aniya ay makapal ang kanilang magiging committee report ukol sa illegal POGO na kinasasangkutan ni Guo.
Pagkatapos ng POGO ay sinabi ni Hontiveros na isusunod na nilang itatakda ang imbestigasyon sa isyu ng pang-aabusong sekswal ni Pastor Apollo Quiboloy sa mga kababaihan at kabataan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kung saan pahaharapin na ang naturang religious leader na kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng Philippine National Police (PNP).