Magiging patas at makatao ang pagtrato ng Senado kay Jay Rence Quilario o si “Senyor Agila” at sa tatlong iba pang mga lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) matapos na ma-contempt ang mga ito sa ginanap na pagdinig kahapon.
Ayon kay Senate Sergeant at Arms Retired Gen. Roberto Ancan, titiyakin na maayos ang pagtrato kina Senyor Agila, at sa mga advisers nito na sina Mamerto Galanida, Karren Sanico at Janeth Ajoc sa kabila ng pagkakadetain ng mga ito sa Senado.
Ang mga lalaki ay magkakasama sa iisang silid habang ang nag-iisang babae na si Ajoc ay nakabukod.
Naka-aircon din aniya ang mga silid ng mga ito 24/7, may maayos na pagkain, regular na bibisitahin ng mga doktor at maaaring magpa-araw sa umaga.
Pinapayagan naman ang pagbisita sa kanila ng mga kamag-anak, kaibigan, mga tagasuporta at abogado.
Si Galinda, na kahapon sa pagdinig ay tumaas ang presyon ay pinayagan naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na samahan ng manugang para maalalayan.
Ipinagbabawal naman sa mga ito ang pagiingat ng cellular phone sa loob ng detensyon at kung may kailangang tawagan ay mayroon namang telepono o cellphone na pwedeng ipahiram sa kanila.
Samantala, kinumpirma naman ng Department of Justice na kahapon sa pagdinig ay naisilbi na kay Senyor Agila at sa 12 iba pang lider ng grupo ang subpoena para sa nakatakdang preliminary investigation ng sa October 9.