Senado, tiniyak ang mahigpit na pagbabantay sa paggamit ng 2023 budget

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na babantayang mabuti ng Senado ang utilization o paggamit ng P5.268 trillion 2023 national budget.

Ayon kay Zubiri, hindi lamang sa pagpapatibay ng 2023 General Appropriations Act (GAA) natatapos ang trabaho nilang mga mambabatas kundi sinisiguro rin niya na magagamit ang pondo sa dapat nitong paggamitan.

Aniya pa, ang Senado bilang isang institusyon ay seryosong ginagampanan ang responsibilidad na repasuhin at amyendahan ang pambansang pondo kung kinakailangan at tinitiyak din na ang bawat pisong gagastusin ay makapagbibigay ng benepisyo sa taumbayan.


Kasama aniya sa pagganap ng responsibilidad ng Senado ay ang pag-exercise sa ‘full oversight function’ sa paggugol ng pondo.

Sa ilalim ng pamunuan ni Zubiri, muling binuhay ng Mataas na Kapulungan ang Special Oversight Committee for Confidential and Intelligence Funds na layuning bantayang mabuti kung paano at saan gagastusin ang P9.2 billion CIF na nakapaloob sa 2023 budget.

Naunang sinabi ng senate president na isang maagang pamasko at magandang panimula para sa bagong taon ang maagang pagapruba at paglagda sa pambansang pondo ng susunod na taon.

Facebook Comments