Ginagarantiyahan ni Senator Sonny Angara na mababantayan at mabubusisi ng Kongreso at Commission on Audit (COA) ang paggamit ng mga ahensya sa kanilang confidential at intelligence fund (CIF).
Tulad aniya ng dati ay naglagay sila sa panukalang 2023 budget ng probisyon na magoobliga sa mga ahensyang may CIF na magsumite sa Kongreso at sa pangulo ng regular na report sa paggamit ng pondo.
Mayroon ding Select Oversight Committee na binuhay ng Senado para mabantayan at mabusisi ng husto ang paggugol sa CIF.
May kapangyarihan din aniya ang COA na magutos ng post audit sa liquidation ng nasabing pondo.
Hindi naman maaaring isapubliko ang mga report sa Kongreso at sa Pangulo patungkol sa CIF at paliwanag ni Angara ang mga impormasyon dito ay may kinalaman sa national security, kaligtasan ng publiko mula sa krimen at terorismo.